Matapos tanglawan ng University of the Philippines Manila Chorale ang Metro Manila sa kanilang matagumpay na konsiyertong “Tanglaw: Pamana ng Himig” sa Manila Metropolitan Theater noong nakaraang Marso, muli nilang sisilaban ang entablado sa nalalapit na “Suló: The UPMC 2026 Taiwan Tour Send-off Concert” ngayong Hulyo 4, 2026, alas-7:30 ng gabi sa St. John Bosco Parish Church.
Bilang multi-awarded performing group para sa choral music ng University of the Philippines Manila, patuloy na isinusulong ng UPMC ang kahusayan ng musikang Pilipino sa lokal at pandaigdigang entablado sa loob ng mahigit tatlong dekada. Sa ilalim ng pamumuno ni
John Steven Verrosa, magsisilbing opisyal na send-off concert ito para sa kanilang dalawang linggong international tour na pinamagatang “Suló: The UPMC 2026 Taiwan Tour,” na magiging kauna-unahang Taiwan tour ng chorale sa kasaysayan nito.
Bahagi ang naturang pagtatanghal ng “PAMANA: The 2026 Season,” na naglalayong itaguyod at palawakin ang artistikong pamana ng mga Pilipinong kompositor at Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika. Bilang isang three-part concert, magtatampok ito ng mga repertoire na sumasalamin sa pamana ng pananampalataya, sangkatauhan, at musika mula sa iba’t ibang kultura at tradisyon.
Tampok sa programa ang mga competition pieces ng grupo na binubuo ng mga obra nina Francisco Feliciano, Nilo Alcala, John Pamintuan at iba pang mahuhusay na Pilipinong kompositor na kanilang dadalhin sa 2026 Taipei International Choral Competition na gaganapin mula Hulyo 28 hanggang 31, 2026.
Ang mga tiket para sa konsiyerto ay nagkakahalaga ng ₱550 para sa regular admission at ₱440 naman para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities. Maaaring bumili ng tiket sa pamamagitan ng link na https://tinyurl.com/UPMCSuloSendOff. Maaari ring bisitahin ang kanilang Facebook Page: https://www.facebook.com/upmchorale para sa karagdagang detalye tungkol sa konsiyerto.
Huwag palampasin ang isang gabi ng musika at pamana na magbibigay-pugay sa kulturang Pilipino at magsisilbing sulo ng kahusayan ng musikang koral ng bansa sa pandaigdigang entablado.

